Richard Quan is a volunteer helping the more desperate; pleads to netizens to stop posting fake news

0
145

Maituturing na “frontliner” ang aktor na si Richard Quan.

Ito ay dahil sa ginagawa niyang pagtulong sa mga kababayan natin sa panahon ng enhanced community quarantine sa Luzon.

Katuwang ang Volunteer Corps—na binubuo ng ilang celebrities at non-showbiz friends—namimigay sila ng tulong, food packs, at iba pang mga pangangailangan ng mahihirap.

Naging trending topic pa nga si Richard noong nakaraang linggo dahil sa naging emosyunal siya habang humihingi ng tulong sa mga kapwa artista sa isang radio program.

Ilang araw nang sinusubukan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na makausap si Richard, pero tumatanggi ito at ipinapaliwanag na hindi siya kumportable sa interview.

Ayaw din daw niyang lumabas na parang “self-promotion.”

Inamin ng aktor na “mentally at psychologically drained” na siya dahil halos araw-araw siyang nasa labas, na kung tawagin niya ay “battlefield.”

Alam ng mga taga-showbiz ang iba’t ibang paraan ng pagtulong na ginagawa ni Richard noon pa man, pero hangga’t maaari ay hindi niya ito ipinapasulat.

Ngunit dahil buong Luzon na ang apektado ng enhanced community quarantine, mas marami pang nangangailangan ng tulong.

At aligaga siya kapag may mga kumukontak sa kanya ngayon.

Nang magpadala nga kami ng mensahe sa kanya, sa pamamagitan ng Facebook private messaging, upang tanungin kung nasaan siya at kung maaari siyang tawagan, ang bilis niyang sumagot.↓

“Nasa field, why?” sagot ni Richard.

Nang sabihin naming iinterbyuhin namin siya, ito ang naging sagot ng aktor: “Pucha! Kala ko me emergency ka! Ha ha! Lahat ng tawag sa akin, ganun ngayon.”

DESPERATE SITUATION

Sa huli ay pumayag din siyang magpadala kami ng mga katanungan na sasagutin niya kung kailan siya may oras at kailan siya kumportable.CONTINUE READING BELOW ↓

Pagkalipas ng ilang araw, noong March 30, natanggap ng PEP.ph ang sagot ng aktor sa aming mga katanungan.

Hindi ba siya natatakot sa exposure niya sa labas dahil sa kagustuhang makatulong?

Ayon kay Richard, “Mas nangingibabaw yung desperate na situation ng kababayan natin.

“Matagal na akong nag-a-outreach, pero ngayon lang ako naka-experience ng ganito ka-worst…

“Pero, expected ko na kaya hindi na ako nagdalawang-isip.”

Dahil nakikita niya ang totoong sitwasyon sa labas, ano ang mga pangangailangan ng mga tao ngayong panahon ng COVID-19?

Sabi ni Richard, aabutin siguro ng dalawa hanggang tatlong oras kung sasabihin niya ang lahat ng mga pangangailangan.

Pero aniya, “Iiklian ko na lang: Food!

“Pero yung mga street people, food at shelter ang kailangan nila.

“Sa kabuuan, mass COVID testing. Hangga’t hindi nate-test, hindi maa-assess ang situation.”

May pakiusap din si Richard: “And yung sa social media people, please show compassion.

“Be sensitive sa post, be responsible sa post. Like yung mga fake news, sana iwasan na lang or wag nang mag-post.”

Ang problema raw, yung nakikita sa social media, iba o malayong-malayo sa totoong sitwasyon o nangyayari.

Saad niya, “Yun mga nasa bahay, majority rin yun ang nasa social media…

“Ang problema, hindi nakikita sa social media yung totoong nangyayari sa battleground.

“Imagine, yung kinayod mo, pinagtrabahuhan mo ng isang araw, yun din ang inaasahang kakainin ng pamilya mo. Tapos biglang kinabukasan, wala ka nang pagkakakitaan. Paano na? At milyon sila, ha…”

Ayon pa kay Richard, “Wala rin kasing access sa social media ang majority ng totoong mahihirap.

“Kung meron lang, siguro mas maraming netizens ang maaantig, tutulong, at magiging responsable sa paggamit ng social media.”

CONTINUE READING BELOW ↓

Simula pa lang nang maipatupad ang enhanced community quarantine sa Luzon ay nagpunta na si Richard sa iba’t ibang lugar para maghatid ng tulong.

Kahapon, March 31, umikot siya ng Manila, Quezon City, at Pampanga.

Sabi pa niya, “Mahaba pa po ang laban.

“But we can ease the burden by simply asking the people how they are.

“Staying at home, verify before posting.

“Observe social distancing. Encourage each other, practice proper hygiene.

“So many of our countrymen are desperate at this time.

“Please be sensitive enough when posting, and if you can help by donating in a reputable organization, please do so.

“We are in a critical stage, but we will win this war.”

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here